Lungsod ng Malolos. Naging makabuluhan ang muling pagdaraos ng 5th Tourism and Travel Fair na inorganisa ng Bulacan Association of Resort Owners o BARO na ginanap noong Marso 2 hanggang 4 sa Robinsons Place Malolos. Naging panauhin ang dating Sen. Teofisto D. Guingona III, Cong. Jonathan Alvarado, kinatawan ni Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado at Vice Gov. Daniel Fernando, Board Member Baby Posadas ng 2nd district, Board Member Allan Andan ng 1st district, Dr. Eliseo Delacruz, Provincial Chaplain. Msgr. Pablo Legaspi at si Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad. Bilang panimula ng nasabing programa, nagpakita ng gilas sa pagsasayaw pagtugtog ang mga grupong Bagna Drum Beaters, Lerion Dance Group, San Isidro Dance Group, Sta. Isabel PCY Dance group at ang Sagwan Paombong Theatre Group. Nagbigay ng kanilang mensahe ng pagsuporta ang mga panauhin sa layunin ng BARO na maitaas ang kalidad ng mga serbisyong pangturismo. Ito’y sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kaalaman at kakayahan ng mga mangagagawa at propesyonal sa industriya ng turismo sa Bulacan. Samantala, malinaw at payak ang naging mensahe ni Mayor Natividad na patuloy ang kanyang magiging suporta sa mga programa na naglalayong magtaas ng antas ng kabuhayan ng hindi lamang ng mga malolenyo kungdi maging ng lahat ng Pilipino lalong-lalo na ang mga Bulakenyo. Muling nagpasalamat ang butihing Mayor sa pamunuan ng Robinsons Place-Malolos at ng Ayala Land na aniya ay naging katuwang ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos at ng Pamahalaang Panglalawigan ng Bulacan sa mga programa nito. Sa pagtatapos ng programa, nagsalo-salo ang mga panauhin at maging ang mga manunuod sa munting kainan na inihanda ng BARO bilang pasasalamat sa mga nagsidalo.