Lungsod ng Malolos. Isinagawa ang pagtatapos ng ikaapat na batch ng mga repormista sa Bahay Pagbabago noong Abril 03, 2017. Ito ay Dinaluhan nina mayor Christian D. Natividad, PSupt. Heryl Bruno, mga kapulisan, Barangay Officials, at mga mahal sa buhay ng mga magsisipagtapos na repormista.
Sa pananalita naman ni Mayor Christian D. Natividad, pinayuhan niya ang mga repormista sa tamang pagharap sa pagsubok. Nagkwento siya ng isang maikling istorya tungkol sa payo ng isang ama sa kaniyang anak na dumaraan sa pagsubok. Aniya, nagpunta ang mag-ama sa kusina at nagpakulo ng tubig. Sa unang kaserola ng kumukulong tubig ay naglagay ang ama ng carrot, sa pangalawang kaserola naman ay itlog. Sa ikatlong kaserola ay naglagay ang ama ng buto ng kape.Makalipas ang dalawampung minuto, hinango ng mag-ama ang karot at itlog sa kumukulong tubig. Saka nagwika ang ama ng ganito "Ano ang napansin mo sa Carrot at Itlog matapos ilagay sa kumukulong tubig?” nagwika naman ang anak na “Tay, yung carrot noong pinakuluan ay lumambot, samantalang yung itlog naman ay naluto at naging matigas.” Kasunod na tinignan ng mag-ama ang kaserola ng buto ng kape at nagtanong ulit ang ama, “Ano ang napansin mo sa kape matapos itong ilagay sa kumukulong tubig?” Sumagot ang anak, “Tay, naging kulay itim po yung tubig. Saka naglabas po ng mabangong aroma yung buto ng kape.”
Sa pagpapaliwanag ni Mayor Christian sa kaniyang maikling kwento,Inihalintulad niya ang pagharap sa pagsubok sa buhay sa kumukulong tubig. Aniya tulad ng carrot na pinakuluan at lumambot, may mga tao na pag dumaan sa pagsubok ay nagiging malambot at mahina. Mayroon din naman na kagaya ng itlog na pag pinakuluan ay nagiging matigas ang loob. At sa huli, tulad ng kape, may mga tao na pag dumaraan sa pagsubok ay lalong bumabango at nakapagbibigay ng positibong resulta. Idinagdag niya na sana bawat tao lalo na ang mga repormista ay maging kagaya ng kape na kahit dumaraan man sa kumukulong suliranin sa buhay, hindi ito maging hadlang upang makapag-ambag ng positibong pagbabago sa kanilang sarili, sambahayan at lipunan.
Sa mensahe ni PSupt. Heryl Bruno, kaniyang sinabi na ang maitutulong ng kapulisan bilang suporta sa mga repormista ay isang porsyento lang at nasa sa kanila pa din ang kabuuan ng pag gawa. Hinikayat niya ang mga repormista na huwag ng bumalik sa dating pamumuhay. Idinagdag niya na matapos makalabas ang mga repormista sa Bahay Pagbabago ay magpapatuloy sila sa pagsubaybay sa mga ito upang masiguro ang kanilang puspusang pagbabagong buhay.
Sinundan ang gawain ng General Assembly ng mga repormista. Ang mga nagsidalo ay pagkakalooban ng Philhealth. Kasalukuyan na din isinasaayos ang kanilang mga benepisyo kagaya ng scholarship program at trabaho. Kitang –kita sa mukha ng mga repormista ang malaking pag-asa dahil sa suporta at malasakit na ipinagkakaloob ng Barangay,Kapulisan, at Pamahalaang Panlungsod.