Lungsod ng Malolos. Naging matagumpay ang muling pagbubukas ng Mayor Christian D. Natividad (MCDN) Cup Inter-Barangay Tournament sa Malolos Sports and Convention Center (MSCC) noong Mayo 16, 2017. Pinanunlakan naman ng mga myembro ng Sangguniang Panglungsod na pinangunahan ni Vice Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian at ni Mayor Christian D. Natividad. Kabilang din sa mga nagsidalo ay ang ilang kapitan at mga opisyal na kumatawan sa kani-kanilang mga barangay. Ang naturang torneo ay may 3 dibisyon, ang bunso, sangko at ang diko. Ang mga koponan ay magtatagisan ng lakas sa larangan ng Basketball at Volleyball. Halos 100 koponan mula sa ibat-ibang barangay ang sumali at lumahok sa taunang torneo.

Sa magkahiwalay na mensahe ni Mayor Christian at ni Vice Bebong, pinasalamatan ng mga batang opisyal ng Malolos City si Sports Director Jose Anthony “Toti” Villanueva at mga kasama. Anila ang mga palakasang katulad nito ay isang pagpapatunay na patuloy ang suporta ng City Government of Malolos sa anumang programang naglalayung maitaas ang kalidad ng mga atleta ng Malolos para sa mga mas malalaking tournament sa hinaharap. Binigyang parangal din naman ni Mayor Christian ang mga atletang Malolenong nagbigay karangalan sa ating lungsod tulad nila Top 25 PBA Greatest Player of All Time na si Vergel “Aerial Voyager” Meneses na tubong Sto. Rosario at si Jumbo Cruz na miyembro ng RP Youth 18 under noong 1993. Samantala pinarada at ipinagmalaki naman ng mga barangay na lumahok ang mga magaganda at magagara nilang uniporme at maging ang kanilang mga muse na isa sa mga pinalakpakan ng mga manunuod. Bilang pagtatapos, binigyan ng awards at mga prizes ang mga nagsipagwagi sa Best in Uniform at Best Muse.