City of Malolos. “hinde po kailangan ng malaking kayamanan upang makatulong. Hindi rin po kailangan ng kapangyarihan at ng posisyon upang magsilbi at maging kapaki-pakinabang sa lipunan.” Mga katagang binanggit ni GAWAD BAYANI AT BITUIN AWARDEE Gng. Marcelina “ Ace” Itchon sa ginanap na GAWAD BAYANI AT BITUIN NG MALOLOS noong ika 18 ng Marso sa plaza ng makasaysayang simbahan ng Barasoain. Kaalinsabay nito, pinagdiwang din ang ika 118 taon ng Unang republika ng Pilipinas. Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mga pangangaralan, City Administrator Atty. Rizaldy Mendoza, mga kapitan ng barangay, mga miyembro ng Sangguninang Panglungsod sa pamumuno ni Kgg. Pangalawang Punong Lungsod Gilbert “Bebong” Gatchalian at ang Kgg. Punong Lungsod Christian D. Natividad. Bilang panimula , nagpakitang gilas sa pagtugtog ang Bulacan State University (BSU) Symphonic Band habang umawit naman ang Malolos Chorale Ensemble. Nagbigay ng kaniyang mensahe si Vice Mayor Bebong kung saan binigyang kahalagahan nya ang pagpaparangal ng Lungsod ng Malolos sa mga indibidual at grupo na naging ehemplo sa pagpapakita ng kagalingan at kahusayan ng mga maloleno sa ibat-ibang mga larangan. Ang mga binigyang parangal ay ang grupong Malolos CHorale Ensemble sa pangunguna ni German DeGuzman sa larangan ng musika, Dr. Editha Valenzuela ng Sumapang Matanda sa larangan ng panlipunang paglilingkod, G.Ferdinand “Makata” Clemente ng Bulihan sa larangan ng panulaan, Xyriel Anne Manabat ng Bulihan sa larangan ng pelikula, Gng. Korina Tengco Bautista sa larangan ng panlipunang paglilingkod, Samahang Senakulista ng Caingin sa pangunguna ni G. Alexis Cruz sa larangan ng pagtatanghal, Bb. Geli Bulaong ng bagong Bayan sa larangan ng palakasan, Gng. Ruby Carci Cruz ng San Gabriel sa larangan ng kaluto, Marquez Cartel ng Sto. Cristo sa larangan ng musika, G. Josepino Toledo sa larangan ng musika at si Gng. Marcelita “Ace” Itchon sa larangan ng panlipunang paglilingkod. Pinarangalan din naman si Bb. Jeslyn Santos ng Sto. Nino Hagonoy sa larangan ng pagandahan, G. Paolo Alcazaren sa larangan ng arkitektura, G. Jose Acuzar sa larangan ng Heritage Conservation at G. Robin Padilla sa larangan ng pelikula. Ginawaran din ng parangal posthumuso sina G. Damaso Caluag ng Bagong Bayan Bayani Ng Himagsikan at si G. Pablo Gomez ng Dakila sa larangan ng panulat. Bilang pagtatapos naghandog ng isang awit ang Kalayaan Singers at nagbigay naman ng mensahe si G. Robin Padilla at ang butihing Punong Lungsod Abgdo. Christian D. Natividad kung saan nagpasalamat siya sa lahat ng mga naparangalan sa kanilang mga naging kontribusyon sa kani-kanilang larangan. Binigyang diin din ng butihing Punong Lungsod ang importansya ng pagunita ng ika 118 taong pagdiriwang ng Unang Republika at ang kahalagahan na maging National Holiday ang Enero 23.