Lungsod ng Malolos. Naging matagumpay ang muling pagbubukas ng ika-3 edisyon ng Republica Cup Inter LGU Division noong Abril 28 sa Malolos Sports and Convention Center (MSCC). May 12 koponan mula sa ibat-ibang parte ng Bulacan ang sumali at lumahok sa naturang taunang torneo kung saan tanging ang mga kawani lamang ang maaring sumali. Nagpakita naman ng suporta sa pamamagitan ng pagdalo ang Malolos City Mayor Christian D. Natividad at si Vice Mayor Gilbert “Bebong” Gatchalian.
Nagsimula ang programa sa pagbibigay ng mensahe ni Mayor Christian sa mga nagsidalo at dito binigyan nya ng halaga ang mga ganitong klaseng Palakasan na aniya ay malaking instrumento para palawakin ang kaalaman ng mga Pilipino partiKular ang mga Bulakenyo sa importansya ng pagalala at pagkilala sa pagtatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Bilang pagpapatuloy, pumarada ang lahat ng mga koponan at ang kani-kanilang mga muse. Nagwagi ang koponan mula sa Bocaue sa Best in Uniform habang nagwagi naman ang dalaga mula sa Sta. Maria sa Best Muse. Si Nicanor “Banik” Reyes mula sa koponan ng Malolos na tinanghal na Most Valuable Player (MVP) noong nakaraang taon ang naatasang magbigkas ng Oath of Sportsmanship.

Samantala, Naipanalo naman ng San Ildefonso ang kanilang laro laban sa San Rafael sa score na 82-48, Natalo naman ang koponan mula sa Bocaue laban sa San Jose Del Monte 70-56. Nagwagi naman ang 3rd place finisher noong nakaraang taon na Sta Maria laban sa Gilas Paombong 91-59.