Lungsod ng Malolos. Tinalakay sa isinagawang City Peace and Order Council Meeting ang kalagayang pangkapayapaan at kaayusan ng Lungsod ng Malolos noong Marso 20, 2017. Dumalo sa nasabing pagpupulong sina Konsehal Toots Bautista, City Administrator Rizaldy Mendoza, Engr. Anselmo Ortiz, PSupt. Heryl Bruno, BFP at mga kapitan ng Barangay.
Napag-usapan ang Ulat ng Pulisya tungkol sa kapayapaan at kaayusan, Masa Masid at City Peace and Order Plan. Nagkaroon ng malayang talakayan tungkol sa mga napapanahong isyu tungkol sa droga, illegal gambling, maiingay na mufflers at pagpapatupad ng mga batas at ordinansa sa mga barangay.
Sa pananalita ni Abgdo. Rizaldy Mendoza, kaniyang sinabi na pagsisikapan ng Pamahalaang Lungsod na makalikom pa ng karagdagang pondo na ilalaan para sa mga repormista ng bahay pagbabago. Ipinaliwanag naman ni Psupt. Heryl Bruno kung ano ang pagkakaiba ng Drug Free at Drug Cleared Barangay. Aniya, ang Drug Free ay yaong mga barangay na napagtibay na walang kaso ng drugs. Samantala ang Drug Cleared Barangay naman ay yaong nasa proseso pa din ng pagsasaayos at panghihikayat sa mga drug users at pushers na magbagong buhay at dumaan sa proseso ng reformation.
Mainit din ang naging talakayan tungkol sa pagsasaayos ng maiingay na mufflers ng motorsiklo at illegal gambling. Ipinaliwanag sa nasabing pagpupulong na kahit ang mga barangay officials ay pwedeng manghuli ng mga motorsiklo na maiingay at saka ito itu-turn over sa kapulisan o di kaya naman ay sa Traffic Management Office.
Seryoso ang kapulisan at Pamahalaan sa pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan, nangako naman ang mga Barangay Captains na patuloy silang makikipagtulungan sa Kapulisan upang lalong mapaigting ang mga programang kontra droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga pamayanan.